Sunday, November 23, 2014

Tayo na at maki-alam, mag-aklas laban sa kurapsyon


“Ito ay sa kapanahunan ng pagbubulag-bulagan sa panahon ng panghahagupit ng nakapanlulumong pandurugas sa kaban ng bayan.
Ito ay sa kapanahunan ng pagbibingi-bingihan sa panahon ng pananalanta ng kasumpa-sumpang pansariling kapakanang itinataguyod ng mga pulitikong ganid sa yaman at kapangyarihan gamit ang karahasan ng pangungulimbat sa salapi ng bayan.
Ito ay kapanahunan ng paghihimbing-himbingan sa panahon ng masaklap na bangungot na sinasara ang kamulatan ng buong bayan habang patuloy na sinasamantala ng Bise-Presidente ang kahinaan at kawalan ng pinag-aralan ng mga maralitang Pilipino, patuloy ring kinakastigo ang bansa habang naka handusay sa putik ng matinding gutom.”

Halos magda-dalawang buwan ng nakalugmok ang Pilipinas sa libingan ng kurapsyon, tila ay unti-unting naa-agnas sa mala-ebolang hampas ng nakakadiring mikrobyo ng mga kapani-paniwalang akusasyong ibinabato sa kay Bise-Presidente Jejomar Binay, mga alegasyong ibinunyag mismo ng pinaka-malapit na kaibigan at ka-alyado,Ginoong Ernesto Mercado, dating Bise-Alkalde ng lungsod ng Makati. Ang makatotohang pagbubunyag ay mistulang bomba atomika na niyanig ang buong sistemang pulitikal, bawat hibla ng moralidad ay nalusaw, nawawalan ng kahulugan sa Kristyanong lipunan na tinuturing ang pagnanakaw bilang isang kahindik-hindik na krimeng nilalabag ang batas ng Diyos maging ang batas ng tao. Sa kabila nito ay tila naging mailap ang Bise-Presidente na harapin sa Senado ang mga alegasyong dinudukot sa bulsa ng mga kabataan ang kanilang kinabukasan. Sa halip ay panay ang kanyang pamumulitika sa mga probinsya gamit ang pera ng bayan, nambobola at inu-uto ang mga mahihirap na madaling malinlang dahil sa kakulangan ng pag-uunawa sa mapait na riyalidad ng pulitika sa Pilipinas.
Sa bawat dapit-hapon ay hinahatak ng lumulubog na araw ang pag-asang mai-ahon sa kahirapan ang bayan dahil ang mamamayan ay nanana-tiling manhid sa sukdulang pagtataksil ng Bise-Presidente.Kahol ng Kahol subalit ay nanana-tiling tulog, takot maghimagsik upang patalsikin ang magnanakaw sa posisyong kanyang ginagamit upang magkam-kam ng limpak-limpak na salapi mula sa dugo,pagod at pawis ng buong bansa. Ang dapit hapon na sana ay magisilbing tanglaw upang pukawin ang natutulog na kamulatan ng mga Pilipinong halos araw-araw ay tinatanggalan ng dangal, bawat butil ng bigas sa bawat plato ay ninanakaw.
Ang panahon ng pag-aaklas laban sa nakakasukang pagnanakaw ng Bise-Presidente ay hinog na , huwag hayaan palampasin at mabubulok na lamang sa ating isipan. Panahon na upang mag-organisa ng pambansang protesta upang palayasin ang magnanakaw sa posisyong hindi nararapat para sa kanya.

No comments:

Post a Comment