Wednesday, November 19, 2014

SUPLING NG PANDARAMBONG !!!

Panawagan ng pag-aklas laban sa katiwalian ng Bise-Presidente , tayo na at mag martsa at isigaw sa buong bayan na ang pandarambong na ito ay hindi katanggap-tanggap, inilulugmok ang buong bayan sa kahirapan, inililibing ang ating kinabukasan sa kumunoy ng kawalan ng pag-asa at isinasadlak and sumusunod na henerasyon sa kasindak-sindak na bangungot.
Sa likod ng mga mararangyang condominium ng mga pulitikong ganid sa yaman at kapangyarihan ay ang mga munting barong-barong, nagsulputan na tila ay mga kabuteng naa-agnas sa magkabilang gilid ng esterong may masangsang na amoy ng kahirapan , tubig nito’y nangingitim dulot ng matinding kurapsyon, pondong nakalaan ay ginamit para sa halalan. Sa madilim na sulok ay naroroon ang tahanan ni Mang Kulas , bayani noong himagsikan sa EDSA sa taong 1986 subalit ay naghihirap pa rin sa kabila ng puspusang pagka-kayod hanggang likuran ay nagsusumigaw sa saklap ng pakikibaka para matustusan and pangangailangan ng pamilya, subalit kakarampot na buwis na kanyang ibinabayad ay nanakawin lamang ng mga magnanakaw sa pamahalaan. Kanyang munting tahanan ay yari sa pinagtagpi-tagping yerong nangangalawang sa pananaksil, mga haligi ay mga pinagdugtong-dugtong na mga kahoy, bubungang butas-butas ay pinag-patungan ng mga gulong, nagkakasakit sa dengue ng malawakang gutom dulot ng pandarambong ng ating mga dakilang pinuno sa gobyerno at isa na riyan ay ang ating Bise-Presidente, lingid sa atin kaalaman ay unti-unting ninanakaw ang ating kinabukasan at kinabukasan ng ating magiging mga apo.
Gayun pa man, ang alingawngaw ng matinding pandarambong ng Bise-Presidente sa kaban ng bayan ay gumagapang sa bawat kalsada kung saan ay naroroon ang mga nagtutulog-tulugan, mga yaong ayaw magmartsa para sa kapakanan ng bayan, tila bang hinahayaan na lamang magpaka-tiwakal ang bansa sa bahag-hari ng kahirapan. Marahil ay dahil pagod na silang maghimagsikan dahil ang ipinaglalaban nila noong 1986 at EDSA 2 ay nalusaw lamang sa hangin, wala pa ring nagbago at lalo pang tumindi ang kurapsyon, laganap pa rin ang gutom maging ang krimen at prostitusyon ng mga pulitikong naghubad ng kanilang mga dangal dahil sa labis na pagmamahal sa demonyong salapi.
Kanyang pananaksil ay umu-ugong sa lupon ng mga dekadenteng makatang isinusulat sa papel ang lantarang pagnanakaw subalit ay walang nais na magbasa, lumalatay sa yungib ng mga aborsyonistang nagpapanggap na mga doktor na ibig tanggalin sa sinapupunan ng inang bayan ang supling ng pandurugas ngunit ay tila napaka-hirap gawin hinggil sa riyalidad na mismong mga mamamayan ay siyang naglalako ng kanilang mga boto tuwing halalan, tumutulo sa bubungan ng mga huwad na mga espiritistang nagpapanggap na mga albularyo, pilit ibinebenta ang mga agimat na pangontra sa pandaraya ng mga nasa pamahalaan subalit ay kay hirap talunin dahil sila ay may mga mabisang anting-anting na nakalibing sa kanilang mga dilang panay ang panlilinlang sa mga nau-uto. Kanilang mga salita ay tila napaka-tamis pakinggan ngunit sa likod ng bawat bigkas ay naghahangad ng pagkukulimbat ng buwis ng mga Pilipinong kayod ng kayod. Ang sukdulang panloloko sa bayan ay isinisigaw ng mga makabayang namamahayag ngunit ang mga tao ay ayaw gumising, taos- pusong tinatanggap ang pananamantala hanggang ang sikmura ng lahat ay kakalam sa matinding gutom.

No comments:

Post a Comment