Wednesday, November 19, 2014

GIRIAN !!!


Maliban na lamang sa malamig na ihip ng hanging amihang nagdadala ng nginig ay naglalagablab ang girian sa pagitan ng kampon Bise Presidente at Senador Antonio Trillanes , Senador Alan Peter Cayetano at mga makabayang Pilipino. Nagbabaga and tunggalian na lalong pinalaki ang sugat ng lipunang Pilipino , walang patid sa pagdurugo at tuluyang nahahati ang buong bansa sa digmaan ng kabutihan laban sa kasamaan. Matatalas ang mga dalang sandata ng mga kampon ng Bise-Presidente, lalong pinapatulis ng kasiningalingang walang humpay na sinasaksak at sinasampal ang bayan , ibig iwaglit sa isipan ng bawat pilipino ang wagas na pagdarambong ni Ginoong Jejomar Binay sa kaban ng bayan , tila ay walang hangganang panlilinlang sa madlang pilipino na araw – araw ay ginagahasa ng matinding kurapsyon. Samantala ay walang kapaguran namang ibinubunyag ng mga Senador ang matinding pandurugas , pinupukaw ang makabayang damdamin ng lipunang tila ay mahimbing na natutulog sa ilalim ng butas – butas na atip. Lingid sa kanilang kaalaman na ang bawat butil ng bigas mula sa kanilang kaban ay ninanakaw , unti – unting dinudurog ang kanilang dangal , hinuhubaran ng saplot ang kanilang kinabukasan hanggang sila ay magising ng tuliro, bawat hibla ng kanilang buhay ay wawasakin ng delubyo ng pandarambong.
Nakakalungkot isispin na sa lantarang pananaksil ng Bise-Presidente na tila ay tinataga ng itak ang moralidad ng lipunan ay nananatiling walang imik ang bawat pilipino, kusang tinatanggap ang pang-aabuso na binubug-bog ng panamantala ang kanilang tiwala. Ngunit ang mas nakakalungkot na ang mga taga-pagsalita ng Bise – Presidente sa katauhan ni Ginoong Toby Tiangco at Ginoong Junvic Remulla na pawang mula sa mga prestiyosong pamantasan ay tila nagbubulag-bulagan, inilalayo ang bayan sa tunay na isyu upang ikubli ang kasindak – sindak na krimen ng kanilang pinuno na kung ilang bilyones na ang nakulimbat mula sa buwis ng mga maralita. Ito ay ang pinaka- malagim na kabanata sa kasaysayang pulitikal ng Pilipinas na kahit ang mga taong may sinasabi sa lipunan ay nagpapagamit sa mga mandarambong na kapalit ay kakaunting salapi at ipinagkanulo ang bayan sa pangil ng kahirapan. Marahil dahil sa matinding kahirapan at ang moralidad ng bawat nilalang ay tila unti-unting naagnas sa libingan ng nagliliyab na apoy ng pananaksil.
Panawagan sa natutulog na mga Pilipino , ito ay sukdulang panlilinlang sa atin na ang nakasalalay ay ang ating kinabukasan at ng ating magiging mga anak , lantarang tayong dinudugasan ng mga budol-budol na mga kampon ng Bise- Presidente , dinudungisan ang ating karangalan na tila ay tinatapakan ang ating pagkatao. Ang panahon ng paghihimagsik laban sa matinding pandarambong ay hinog na. Tayo na at magorganisa ng malawakang protesta at mapatalsik sa puwesto ang Bise-Presidente.


No comments:

Post a Comment