Wednesday, November 19, 2014

MULTO SA MAKATI !!!

Sa isang malamig na sulok kung saan ay nag-aagawan ng kulay ang liwanag at dilim sa Makati Science High Building ay may nakakubling multo sa likod ng kurtina, ang multo ng katiwalian (Over-Pricing) at (Rigged Bidding), kanyang mga mata ay lumuluha ng dugo, panay ang paghihinagpis dahil sa matinding pangungulimbat ng pangalawang pangulo sa kaban ng bayan, nagpapasarap ng buhay mula sa buwis ng mga maralita. Mula sa bibig ng multo ay tumutulo ang natutuyong dugo dulot ng pangangastigo na gamit ay latigo ng pagbubulsa ng salapi na para sa mga mahihirap na sa isang araw ay masuwerte ng kumain ng dalawang beses.
Kanyang mga binti ay naka-kadena,sa dulo ay may dalawang mabibigat na bolang bakal, lumalakad ng mahinang-mahina tulad ng ekonomiyang usad pagong dahil ang inu-una ni Jejomar Binay ay ang pansariling kapakanan upang magkamal ng mas maraming salapi na ibabayad sa mga botanteng mukhang pera sa susunod nahalalan, hindi baleng mas marami ang mamamatay sa gutom. Tuliro at tila ay walang direksyong naglalakad sa isang silid ng gusali, kanyang galit sa matinding nakawan ay nagbabaga sa ilalim ng napakalamig na pagtanggap ng mamayan sa isyung kurapsyon na kung ilang buwan ng ibinabalita sa telebisyon,radio at social media. Ibig niyang magpumiglas, mamuno sa isang himagsikan upang patalsikin ang pangalawang pangulo sa puwesto subalit ang kanyang katauhan ay yari sa hangin tulad ng bansang ito na ang lahat ng pinagpagurang buwis ng mga mamamayan ay aanurin lamang ng magnanakaw na hangin tungo sa mahiwagang bulsa, tulad ng mga pangarap ng mga kabataang nagkukumahog upang maiahon ang bayan sa kahirapan ay malulusaw lamang sa hangin dahil sa mga matatandang namumuno ay pinagsasamantalahan ang kaban ng bayan . isang masaklap na katotohanan na sana ang mas nakakatanda ay siyang magturo ng kabutihan para sa mga kabataan subalit ang nangyari ay kabaliktaran, tila ay nawawalan ng saysay ang dignidad, dangal, kahihiyan at prinsipyo sa lipunang Pilipino at ito ay masagwa.
Ibig niyang ipikit ang kanyang mga mata at magbubulag-bulagan dahil sa mga ganid sa yaman na nagpapasarap sa buhay habang lumolobo ang bilang ng mga nagugutom. Ibig niyang tumakas sa nakaka-tanggal ulirat na riyalidad dahil kumakapit pa rin sa posisyon si Jejomar Binay kahit na napapatunayan na ang mga alegasyong pagnanakaw ay makatotohanan, ito ay garapalan para bagang pakapalan na lang at iyan ay nakakahiya.Sa ibang bansa na pinahahalgahan ang dangal ng pamilya mas nanaisin pa ng mga pulitiko na pumanaog sa puwesto kung sakali ay masasangkot sila sa eskandalo ,meron ring kinikitil ang sariling buhay upang maprotektahan ang dignidad ng pamilya at ng buong bayan.
Sana ay pumanog na rin sa puwesto ang pangalawang pangulo tungo sa pagbabago ng bulok na sistemang nasasadlak ang bayan sa matinding kahihiyan at nakakabaliw na kahirapan.


No comments:

Post a Comment