Katinua’y nagpupumiglas, ibig tumakas sa kaisipan , nanlulumo na tila ay
humihikbi sa masaklap na riyalidad , kararampot na sahod ng maralitang mga
Juan na buong araw ay kumakayod,
masuwerte ng kumain ng tatlong beses sa isang araw ay kakaltasan pa rin ng
sangkatutak na buwis na dudugasin lamang ng mga pulitikong alipin ng salapi at
ang mapait pa ay nasasangkot ang ating Bise-Presidente sa
katiwaliang ito. Ang mga Pilipinong magdamagang nagkukumahog sa ibayong dagat
para sa inang bayan ay hindi rin nakakaligtas sa pangil ng kurapsyon na tila ay
mga makamandag na kamay, pilit na
hinahatak ang mga pangarap ng mga Pilipino sa hukay ng matinding kahirapan. Mga
pangarap na unti-unting nalalagas tulad ng mga dahong nawawalan ng saysay ,
inaanod ng delubyo ng pandarambong , dinudurog ng martilyo ng pananaksil
hanggang ang buong bansa ay mawawalan ng pag-asa pang maka-ahon sa libingan ng
nakaksukang gutom.
Sadyang kay lungkot nga naman maging isang Pilipino , mga pulitikong tulad ng ating
Bise-Presidente pati na rin ang kanyang mga kampon ay nagpapasarap ng buhay mula
sa buwis ng mga mararangal na mga
Pilipino habang ang ating mga dakila at maprinsipyong mga sundalo ay nagbubuwis
ng buhay araw-araw sa Basilan at Jolo upang masugpo ang bandidong Abu-Sayyaf
para sa kapayapaan ng inang bayan . Nakikipag-digmaan para sa kaunlaran ng
sambayanang Pilipino, subalit ang kanilang ipinaglalaban ay mau-uwi lamang sa kadiliman sanhi ng kurapsyon sa pamahalaan.Sa kabila ng maingay na isyu sa
mga telebisyon , radyo at social media tungkol sa pandurugas ng pangalawang pangulo ay nanatiling tahimik
ang mga Juan, ayaw kumilos para sa kanilang kapakanan . Marahil ay naa-adik na sa ihip ng pananaksil , nakikilitian sa latigo
ng matinding gutom at nasasarapan sa halinghing ng mga pulitikong panay ang
pandurugas sa kaban ng bayan. Para bang atin lipunan ay nakalubog sa mala-hayop
na kaisipang social-darwinismo, matira ang matibay, aso ay kinakain ang kapuwa
aso hinde baleng lahat ay maghihirap.
Ang Pilipinas ay isang bigong
demokrasya sapagkat ang mga batas nito ay ginagamit ng mga pulitikong kriminal
, mga halimaw na handang gamitin ang dahas at salapi para maiwasan ang
kalamigan ng kulungan at isang patunay ay ang mga Ampatuan na pumatay ng 58 na mga
inosenteng mamamahayag subalit ay kay
lungkot isipin na hanggang ngayon ay tila kay ilap ng katarungan. Gamit ang mga matatalinong mga abogado na
para bang isang prostitusyon, kapalit ng malaking halaga ng pera ay makakalaya
sa kaso ng pandarambong ang mga pulitikong magnanakaw. Sana nga ay hindi
magbubulag-bulagan ang hustisya para mabigyan ng katarungan ang taong bayang
napopoot na sa harapang pandurugas.
No comments:
Post a Comment